Sa panahon kung kailan tila naging batayan ng tagumpay ang antas ng edukasyon, isang inspirasyon si Wilma Doesnt sa kanyang paninindigang “hindi kailangan ng college degree para makahanap ng trabaho.”
Sa panayam ibinahagi ni Wilma at entrepreneur kung paano niya binubuo ang kanyang food business na “Chicks ni Otit” sa Cavite at Tagaytay hindi lang bilang negosyo, kundi bilang misyon para makatulong sa mga nangangailangan.
Para kay Wilma, mas mahalaga ang puso at dedikasyon kaysa sa mga diploma.
“Hindi ako tumitingin ng college degree,” ani Wilma.
“Hindi kinakailangang kung dishwasher ka, kailangan nakakaintindi ka ng quantum physics para maghugas ng plato, ‘no. Kung kailangan kita, kailangan ko ng worker, at kailangan mo ng job tayong dalawa.”
Ipinapakita ng kanyang pamumuno ang tunay na diwa ng malasakit at pagbibigay-pagkakataon, lalo na sa mga itinuturing ng lipunan na "kulang" gaya ng mga PWDs, mga nanay na miyembro ng 4Ps, at mga kababayan nating may kapansanan sa pandinig at pananalita.
“Alam mo ‘yong feeling na wala ka, tapos naghihintay ka ng trabaho, tapos walang nagtitiwala sa’yo? Alam ko ‘yon eh,” dagdag niya.
“Kaya pinipili ko talaga sila kasi kailangan nila ng tiwala, at ako, handang magbigay nun.”
Sa halip na sumunod sa tipikal na sistema ng hiring, si Wilma ay nagpatayo ng negosyo na bukas sa lahat ng may dedikasyon, hindi lang sa mga may diploma. Pinatunayan niyang kaya pa ring umunlad ang isang kumpanya habang tumutulong sa kapwa.
Sa mundong madalas puno ng diskriminasyon at mataas na pamantayan, si Wilma Doesnt ay tila ilaw ng pag-asa para sa mga inaakalang walang lugar sa propesyonal na mundo. Hindi lang siya basta negosyante isa siyang tagapagbigay ng pag-asa, tagapagtanggol ng kapwa, at halimbawa ng tunay na malasakit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento