Mainit na usapin ang muling lumutang matapos banggitin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga lumang panayam ng beteranong broadcasters na sina Korina Sanchez at Julius Babao sa mag-asawang contractors na sina Sarah at Curlee Discaya. Sa kanyang Facebook post noong Agosto 21, 2025, ikinuwestiyon ng alkalde kung bakit handa umanong magbayad ng hanggang ₱10 milyon ang mga ganitong personalidad kapalit ng interview.
“Bago tanggapin ng mga kilalang journalists ang alok para mag-interview ng Contractor na Pumapasok sa Politika, hindi ba nila naisip na, ‘Uy teka, ba’t kaya handa ’to magbigay ng 10 million para lang magpa-interview sa akin??’” ani Mayor Vico.
“Hindi naman sa gusto kong gumawa ng bagong kaaway… Pero kung alam nating mali ang sistema, tungkulin nating magsalita. Ang reputasyon at kredibilidad ay puhunan ng bawat mamamahayag—huwag sana itong ipahiram kapalit ng pera.” dagdag ni Mayor
Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang makapanayam ni Julius Babao ang Discaya couple para sa kanyang Unplugged YouTube channel. Sa panayam, ipinakita ng mag-asawa ang kanilang mga mahigit 40 luxury cars na nakaparada sa gusali ng kanilang kumpanya, ang St. Gerrard Construction.
Samantala, noong Enero 2, 2025, iniere rin ni Korina Sanchez sa kanyang programang Korina Interviews sa NET25 ang isang episode na pinamagatang “A Victim of Bullying, Now A Politician.” Sa panayam, ikinuwento ni Sarah ang kanyang rags-to-riches journey mula sa kanyang simpleng pamumuhay sa London hanggang sa kanilang matagumpay na negosyo sa construction industry.
Naging mas kontrobersyal ang pangalan ng Discayas matapos isiwalat ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 11, 2025, na ilan sa kanilang kumpanya tulad ng Alpha & Omega, St. Timothy, at St. Gerrard Construction ay kabilang sa Top 15 contractors ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakakuha ng malaking bahagi ng ₱545 bilyong flood control projects budget.
Si Sarah Discaya rin ang naging kalaban ni Mayor Vico sa nakaraang May 2025 Pasig mayoral elections, dahilan para mas umigting ang interes ng publiko sa isyu.
Ayon kay Mayor Vico, matagal nang alam ng mga nasa pamahalaan ang mga kalakarang ito, at mismong mga lokal na opisyal ang nagkukwento sa kanya kung paano umano gumagana ang sistema ng mga kontrata.
“Ngayon, unti-unti nang nalalaman ng taumbayan ang buong katotohanan. As the president told them during the SONA, ‘MAHIYA NAMAN KAYO!’” dagdag ng alkalde.
Ang isyu ay hindi lamang tungkol sa isang lumang panayam kundi sa mas malalim na usapin ng integridad at kredibilidad ng media at politika. Habang ipinagtatanggol ng kampo nina Korina Sanchez at Julius Babao ang kanilang reputasyon, naninindigan naman si Mayor Vico Sotto na tungkulin ng bawat isa, lalo na sa gobyerno at media, na huwag maging bahagi ng isang sistemang nakikinabang sa korapsyon at maling pamamalakad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento