Advertisement

Responsive Advertisement

MALACAÑANG, MATAPANG NA SUMAGOT SA TIRADA LABAN KAY VP SARA DUTERTE: "SIRAAN ANG PANGULO AT ITULAK ANG MAKASARILING HANGARIN"

Huwebes, Agosto 21, 2025

 



Naglabas ng matapang na pahayag ang Malacañang matapos ang panibagong akusasyon ni Bise Presidente Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayon kay Duterte, amoy alak umano ang Pangulo nang tinanggap nito ang kanyang resignation letter sa Palasyo.


“Walang katotohanan ang mga kuwento niya laban kay Pangulong Marcos Jr. Isa lamang itong paraan upang siraan ang Pangulo at itulak ang makasariling hangarin na siya ang pumalit.” -Atty. Claire Castro


Mariing itinanggi ni Atty. Claire Castro, Palace Press Officer, ang mga pahayag ni Duterte at tinawag itong walang basehan at pawang imbento lamang. Giit ni Castro, malinaw na bahagi ito ng pagpapakalat ng disinformation na paulit-ulit umanong ginagawa ng Bise Presidente.


Binigyang-diin pa niya na nakikita ng publiko kung paano magtrabaho si Pangulong Marcos Jr.—maaga itong gumigising upang dumalo sa mga meeting at iba pang opisyal na aktibidad. Ikinumpara pa niya ito sa ibang lider na madalas daw tanghali na gumising at nahuhuli sa mga opisyal na okasyon.


Kasabay nito, tinuligsa rin ng Malacañang ang umano’y pagkakasangkot ni Duterte sa pagpapalaganap ng iba pang fake news, kabilang na ang “doctored” Beverly Hills police report at ang tinaguriang polvoron video. Ayon kay Castro, malinaw na ang layunin ng mga ganitong hakbang ay sirain ang Pangulo upang mapababa ito sa puwesto at tuluyang siya (Duterte) ang pumalit.


“Walang katotohanan ang mga kwento niya laban kay Pangulong Marcos Jr. Isa lang itong bahagi ng kanyang makasariling hangarin,” mariing pahayag ni Castro.


Muling uminit ang palitan ng salita sa pagitan ng Malacañang at ni Bise Presidente Sara Duterte. Sa gitna ng mga akusasyon, nanindigan ang Palasyo na ang lahat ng paratang ay walang katotohanan at bahagi lamang ng disinformation campaign. Sa huli, iginiit ng Malacañang na ang pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. ay nakikita sa kanyang dedikasyon at maagang pagharap sa mga tungkulin, at hindi sa mga kwentong walang basehan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento