Sa likod ng bawat taho na binibili natin sa kalsada, may kuwento ng sakripisyo at pagmamahal. Isa sa mga nakakaantig na kwento ay ang kay Mark Anthony Dela Cruz, isang 31-anyos na taho vendor mula San Jose del Monte, Bulacan, na bukod sa pasan ang kanyang paninda, pasan din niya araw-araw ang kanyang isang taong gulang na anak.
“Iniwan man ako ng asawa ko, hinding-hindi ko iiwan ang anak ko. Kahit gaano kahirap, gagawin ko ang lahat para mabigyan siya ng magandang kinabukasan.” - Mark Anthony
Iniwan umano si Mark Anthony ng kanyang asawa matapos manganak, dahilan upang siya mismo ang mag-alaga sa kanilang anak. Wala raw ibang aasikaso sa bata kaya’t kahit saan siya magtinda ng taho, kasa-kasama niya ito. Para kay Mark Anthony, hindi hadlang ang hirap ng buhay basta’t maibigay niya ang lahat para sa kanyang anak.
Kahit mahirap, pinipilit niyang maging matatag. Araw-araw niyang bitbit ang anak habang naglalako sa kalsada, hindi alintana ang init ng araw o bigat ng pasan. Para kay Mark Anthony, higit pa sa puhunan at kita ang inspirasyon ang ngiti at kinabukasan ng kanyang anak.
Ang kanyang kuwento ay nagsilbing inspirasyon sa mga nakasaksi at nakarinig. Pinatunayan niyang ang tunay na pagmamahal ng magulang ay hindi lamang nakikita sa materyal na bagay, kundi sa sakripisyong handang gawin alang-alang sa ikabubuti ng anak.
Hindi madaling maging magulang, lalo na kung mag-isa kang humaharap sa lahat ng hamon. Ngunit ipinakita ni Mark Anthony Dela Cruz na ang tunay na lakas ay nanggagaling sa pagmamahal. Siya ay patunay na kahit gaano kahirap ang buhay, basta’t may determinasyon at malasakit, kayang mapalaki ang anak nang may pag-asa at pangarap.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento