Mainit ang usapin sa pagitan ng media at politika matapos maglabas ng matinding pahayag si veteran broadcaster Arnold Clavio laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
“Mayor, huwag ka nang makisawsaw sa mapanganib na panahon dahil sa sarili mong interes na politikal. Parehas tayo ng layunin na magkaroon ng malinis na gobyerno pero huwag mo namang ipahiwatig na ikaw lang ang matuwid.” -Arnold Clavio
Nag-ugat ang lahat mula sa Facebook post ni Mayor Vico noong Agosto 21, 2025, kung saan pasaring niyang tinuligsa ang ilang “kilalang journalists” na umano’y tumatanggap ng milyon-milyong piso para makapanayam ang mga personalidad na papasok sa politika.
Bilang halimbawa, ipinakita ni Mayor Vico ang mga dating panayam nina Korina Sanchez at Julius Babao sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, mga negosyanteng contractor na konektado sa malalaking flood control projects ng gobyerno. Si Sarah Discaya rin ang nakalaban ni Vico sa mayoral race noong May 2025 elections.
Sa pamamagitan ng Instagram post nitong Agosto 22, hinamon ni Arnold si Vico na maglabas ng ebidensya at huwag umanong gawing pang-personal na interes ang isyu:
“Mayor, huwag ka nang makisawsaw sa mapanganib na panahon dahil sa sarili mong interes na politikal. Nasa demokrasya tayo at may karapatan ang sinuman na marinig ang kanilang panig... Parehas tayo ng layunin na magkaroon ng malinis na gobyerno pero huwag mo naman isingit sa kamalayan ng mga Pilipino na ikaw lang ang malinis at matuwid.”
Dagdag pa niya, iresponsable ang pagbibitiw ng pahayag ng alkalde lalo na’t kasama sa post ang mga larawan ng panayam nina Julius at Korina, na naganap bago pa man magsimula ang halalan.
Matatandaang noong Agosto 11, 2025, ipinangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang construction firms, kabilang ang pag-aari ng mga Discaya, na nakatanggap ng malaking bahagi mula sa PHP545 billion DPWH budget para sa flood control projects. Ito ang naging mitsa ng pagdududa ni Mayor Vico sa mga panayam.
Gayunpaman, ayon kay Arnold Clavio, ang mga journalist ay may sariling pamantayan sa paggawa ng kanilang content at hindi dapat agad pagdudahan bilang bayaran nang walang kongkretong ebidensya.
Nagpapakita lamang ang isyu na ito kung gaano kasensitibo ang ugnayan ng media at politika. Habang mahalaga ang transparency, dapat ding igalang ang kredibilidad ng mga journalist hangga’t walang malinaw na patunay ng anomalya. Para kay Arnold Clavio, ang binitawang salita ni Vico ay nagdulot ng malawakang paninira, hindi lamang sa kanyang mga kasamahan kundi sa buong hanay ng media.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento