Isa na namang bagong twist ang lumabas kaugnay ng kontrobersiyal na Discaya flood-control projects issue. Matapos ang mainit na Facebook post ni Pasig City Mayor Vico Sotto noong Agosto 21, 2025, biglang nabura sa YouTube ang panayam ni Korina Sanchez kay Sarah Discaya para sa programang Korina Interviews.
“Alam ko marami ang nagdududa at pumupuna, pero kung anuman ang ipinakita ko sa interview, iyon ang totoo kong nararamdaman. Hindi ko kailangan magpanggap para magustuhan ng tao.” -Sarah Discaya
Ang nasabing panayam, na in-upload noong Enero 5, 2024, ay isa sa mga naging sentro ng diskusyon matapos mapansin ng publiko ang mga koneksyon ng mag-asawang Discaya sa mga bilyong pisong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, ang hiwalay na interview ni Julius Babao sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na nai-upload noong Setyembre 2024 sa kanyang Unplugged YouTube channel ay patuloy na tumataas ang views.
Mula sa mahigit 300,000 views bago ang post ni Mayor Vico, pumalo na ito sa 847,000 views (as of August 23, 2025) at patuloy pang dumadami.
Kahit na deactivated na ang comments section, hindi mapigilan ang interes ng publiko na panoorin ito.
Isa sa pinaka-pinag-usapan ay ang pahayag ni Sarah tungkol sa pagbili niya ng Rolls Royce na may Hermes orange interior, na nagkakahalaga ng ₱23 million hanggang ₱26.7 million.
Ayon kay Sarah, isa sa mga dahilan kaya siya bumili ng mamahaling sasakyan ay ang kakaibang feature nitong payong:
“Natutuwa ako sa payong pero hindi ko ipinagagamit ang payong na ito kasi mahal yung payong. Yan yung feature ng Rolls na kaya ko binili kasi natuwa ako sa payong.”
Ang pahayag na ito ay umani ng matinding reaksyon mula sa netizens, na nagsabing tila hindi naaangkop ang kanyang dahilan lalo na’t bilyong pondo ng flood-control projects ang nadadawit sa pangalan ng kanilang pamilya.
Ang pagkawala ng panayam ni Korina kay Sarah Discaya sa YouTube ay nagdagdag pa ng intriga sa kontrobersiyang kinahaharap ng mag-asawa. Sa kabilang banda, mas lalo namang lumakas ang interes ng publiko sa interview ni Julius Babao, na ngayo’y halos umabot na sa isang milyon ang views. Sa gitna ng lahat ng ito, patuloy na lumalakas ang panawagan para sa transparency at pananagutan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento