Ikinabahala ng Pilipinas ang ulat na may debris ng rocket mula sa China na bumagsak sa loob ng karagatang sakop ng bansa. Ang insidente ay may kinalaman sa pag-launch ng Long March 12 rocket ng China noong Agosto 4, 2025.
“Ang space exploration ay hindi dahilan para balewalain ang kaligtasan at karapatan ng ibang bansa. Panawagan ito sa lahat ng spacefaring states: Maging responsable sa bawat paglipad.” -DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro
Sa isang press briefing, binasa ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang opisyal na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa insidente.
“Hinihikayat ng Pilipinas ang lahat ng spacefaring states na magsagawa ng kanilang space activities sa paraang responsable at may paggalang sa karapatan ng ibang bansa,” ani DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Ang nasabing rocket launch ng China ay nagresulta sa pagkakabagsak ng ilang debris sa karagatang malapit sa teritoryo ng Pilipinas. Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), ang debris drop zone ay “medyo malapit nga po” sa ating maritime territory.
Ayon kay PhilSA Deputy Director General Gay Jane Perez, wala namang agarang dapat ikabahala sa ngayon, pero pinag-aaralan pa ng mga teknikal na eksperto ang posibleng epekto ng insidente.
Sa harap ng mga makabagong teknolohiya sa kalawakan, hindi dapat nakakalimutan ang responsibilidad sa bawat kilos. Ang paghulog ng rocket debris sa malapit sa karagatan ng Pilipinas ay hindi simpleng insidente lamang—ito ay paalala na kailangang igalang ang soberenya at seguridad ng bawat bansa.
Habang wala pang natukoy na paglabag, nananatiling alerto ang Pilipinas at inaasahang susunod ang mga spacefaring nations sa mga internasyonal na alituntunin para sa kaligtasan ng lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento