Sa halip na tutukan ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng trabaho nila bilang kinatawan ng bayan, dalawang mambabatas ang umani ng matinding batikos mula sa publiko matapos mahuling nanonood ng online sabong at larong billiards habang ginaganap ang botohan para sa bagong House Speaker noong Lunes.
Bagama’t hindi pa tukoy ang kanilang pagkakakilanlan, ang larawan na kuha sa loob mismo ng sesyon ng Kongreso ay kumalat na parang wildfire sa social media. Kitang-kita sa mga litrato na abala ang dalawang opisyal sa kani-kanilang mga cellphone hindi para sa opisyal na dokumento, kundi para sa pustahan at aliwan.
Habang ang karamihan ng kanilang mga kasamahan ay nakatuon sa proseso ng pagboto, tila mas importante para sa dalawang mambabatas ang personal na aliw kaysa sa kapakanan ng bayan.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang House of Representatives tungkol sa isyu. Wala ring kumpirmasyon kung sisimulan ang imbestigasyon sa kanilang asal.
“Nakakahiya. Habang ang taong bayan ay umaasa sa mga desisyon ng Kongreso, may ilan pa ring inuuna ang pansariling aliw. Panahon na para panagutin ang mga ganitong asal.” -Concern Citizen
Ang Kongreso ay simbolo ng tiwala ng mamamayan. Kaya’t ang pagwawalang-bahala ng ilan sa kanilang tungkulin ay isang sampal sa mukha ng publiko na araw-araw nagsusumikap at nagbabayad ng buwis.
Hindi ito simpleng paglabag sa etiketa, ito ay malinaw na paglapastangan sa tiwala ng taong bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento