Hindi na napigilan ni Mamamayang Liberal Rep. Leila De Lima at ng kanyang kampo ang inis at pagkadismaya matapos muling kuwestyunin ng Department of Justice (DOJ) ang kanyang acquittal sa kasong may kinalaman sa illegal drugs.
“Hindi ako titigil hangga’t may naniniwala sa hustisya. Hindi ako matatakot. Kung kinakailangan, kami na mismo ang lalaban sa sistemang inaabuso para gipitin ang inosente. Hindi dapat basta na lang nagpapagamit ang batas sa mga may kapangyarihan.” -Leila De Lima
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Dino De Leon, mali at walang legal na basehan ang hakbang ng DOJ na magsumite ng motion for reconsideration para baligtarin ang acquittal ni De Lima.
“It doesn’t make any legal sense,” saad ni De Leon sa panayam ng ANC.
“Dalawang beses na siyang na-acquit. Bakit kailangan pang ulit-ulitin? Wala na ba silang ibang ginagawa kundi ipagpatuloy ang pinakagasgas at pinakamahal na frame-up sa kasaysayan ng Pilipinas?”
Na-acquit si De Lima sa tatlong magkahiwalay na drug cases. Ngunit nitong Abril 2025, binaliktad ng Court of Appeals ang isa sa kanyang acquittals, dahilan para bumalik sa lower court ang kaso.
Naniniwala si De Leon na ang nangyayari ngayon ay hindi na tungkol sa hustisya, kundi isang "never-ending cycle" ng panliligalig sa kanyang kliyente.
“Parang wala nang katapusan. Panay bogus charges, panay harassment. Kaya pinag-aaralan na talaga naming kasuhan mismo ang mga prosecutor na gumagawa nito,” dagdag pa ni De Leon.
Sinabi rin niya na pati ang ordinaryong Pilipino ay nawawalan na ng tiwala sa sistema ng hustisya dahil sa mga ganitong galawan.
Sa kabila ng paulit-ulit na paglilitis at panibagong mga galaw mula sa DOJ, naninindigan si Leila De Lima na hindi siya susuko sa laban. Para sa kanya, higit pa ito sa personal na usapin ito ay tungkol sa prinsipyo, hustisya, at karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng patas na paglilitis.
Ang nangyayaring ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mapanuri ng publiko sa mga galaw ng pamahalaan. Maging sa gitna ng politika, ang batas ay dapat manatiling patas at walang pinapanigan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento