Advertisement

Responsive Advertisement

"HINDI KAMI UURONG, HINDI KAMI MATITINAG" GITGITAN SA KARAGATAN: PH NAVY LABAN SA 23 CHINESE VESSELS

Miyerkules, Hulyo 30, 2025

 



Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) matapos iulat ng Philippine Navy ang presensya ng 23 barko ng Tsina sa loob lamang ng isang linggo, mula Hulyo 21 hanggang 27, 2025.


“Hindi kami uurong. Hindi kami matitinag. Nakataya dito ang ating soberanya at ang kinabukasan ng ating bansa — at handa kaming ipaglaban ito anuman ang kaharapin.” -Admiral Roy Vincent Trinidad


Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Hukbong Dagat para sa WPS, ang mga barkong ito ay binubuo ng 7 China Coast Guard (CCG) vessels at 7 People’s Liberation Army Navy (PLAN) ships na namataan malapit sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Samantalang sa Ayungin Shoal, 4 CCG at 2 PLAN ships ang namonitor. Sa Sabina Shoal, isang PLAN ship naman ang naitala, at sa may Pag-asa Island, tig-iisang CCG at PLAN ship ang nakita.


Ayon sa Navy, may bahagyang repositioning o pagbabago sa lokasyon ng mga barko sa Bajo de Masinloc mula Hulyo 19–21 dahil umano sa masamang panahon.


Sa kabila ng agresibong presensya ng mga barkong Tsino, tiniyak ni Rear Admiral Trinidad na hindi uurong ang Pilipinas sa pagprotekta sa karapatan nito sa karagatan.


"We will remain firm and unyielding against the aggressive actions of the Chinese Communist Party. Patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin na bantayan ang teritoryo, igiit ang soberanya, at protektahan ang karapatang pandagat ng bansa," ani Trinidad.


Ang insidente ay patuloy na nagpapaalala sa hindi pag-amin ng Tsina sa 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas. Sa kabila nito, walang sign ng pag-urong ang Chinese vessels sa mga lugar na saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.


Sa kabila ng paulit-ulit na presensya ng mga barkong pandagat ng Tsina sa West Philippine Sea, patuloy ang matatag na paninindigan ng Pilipinas sa pagprotekta sa ating karapatan, soberanya, at kinabukasan sa sariling karagatan. Ang bawat kilos ng ating hukbong dagat ay sumasalamin sa tapang at pagmamahal sa bayan.


Sa panahong tila pinipilit tayong ipitin sa sarili nating teritoryo, isang paalala ito na hindi kailanman natitinag ang Pilipino sa pagtatanggol ng tama.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento