Matapos ang ilang buwan ng imbestigasyon hinggil sa flood control project anomalies, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na na-issue na ang warrant of arrest laban kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at 17 iba pa na pinaniniwalaang sangkot sa naturang katiwalian.
Sa isang matapang na pahayag, sinabi ni Marcos na wala nang dapat hintayin pa at dapat nang arestuhin ang mga sangkot.
“You have my signal. Arestuhin na ninyo sila” -Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Palasyo, ang arrest warrant ay inilabas matapos ang masusing pagsusuri ng mga dokumento at testimonya na isinumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman.
Kasama sa mga iniimbestigahan ang ilang dating opisyal ng lokal na pamahalaan at contractor na umano’y nakinabang sa multi-billion flood control scam.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa mga ahensya ng batas tulad ng PNP, NBI, at AFP na magtulungan upang masiguro ang agarang pag-aresto ng lahat ng sangkot. Nagbigay din ng mensahe si Marcos sa mga Pilipinong matagal nang naghahangad ng katarungan laban sa katiwalian sa gobyerno.
Aniya, ito ay simula ng mas malawak na reporma sa sistema, at hindi siya uurong sa laban kahit pa may mga nasasagasaan. Ang matapang na pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagbigay ng malinaw na mensahe tapusin na ang kultura ng katiwalian at ibalik ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento