Itinakda ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang Nobyembre 28 bilang petsa ng pagtalakay at posibleng pagdedesisyon sa apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaugnay ng kahilingang pansamantalang paglaya habang patuloy na dinidinig ang mga kasong may kinalaman sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang drug war.
Ayon sa ICC, bibigyan ng pantay na pagkakataon ang panig ni Duterte upang maipaliwanag ang kanilang apela bago gumawa ng pinal na desisyon ang korte.
“We are providing both sides an equal opportunity to present their arguments before the chamber reaches its ruling.” - ICC statement
Inihayag ng legal team ni Duterte na umaasa silang mapagbibigyan ng korte ang kanilang kahilingan upang makalaya pansamantala ang dating Pangulo, lalo’t lumalala umano ang kanyang kalagayang pangkalusugan.
Iginiit ng kampo na hindi naman umano tatakas si Duterte at mananatili siyang handang humarap sa anumang proseso ng korte.
Ang desisyon ng ICC ay magiging precedent-setting case dahil ito ang unang pagkakataon na isang dating Pangulo ng Pilipinas ang humarap sa ganitong antas ng paglilitis sa pandaigdigang hukuman. Ayon sa mga eksperto, kung mapagbibigyan si Duterte, maaari itong magbukas ng bagong pagtalakay sa “humanitarian release” para sa mga kasong may mabigat na paratang.
Ang mga paratang laban kay Duterte ay kaugnay ng mahigit 6,000 hanggang 30,000 umano’y napatay sa ilalim ng kampanya kontra droga noong siya’y Pangulo. Ang nalalapit na desisyon ng International Criminal Court (ICC) ay magiging makasaysayan hindi lamang para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kundi para sa bansa at sa pandaigdigang hustisya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento