Sa gitna ng kontrobersyal na pasabog ni Senadora Imee Marcos na umano’y nalulong sa droga ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., muling binuhay ng Malacañang ang matagal nang isyu kaugnay ng confidential funds ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon sa Palasyo, bago umano magbitaw ng mabibigat na paratang ang sinuman laban sa Pangulo, mas mainam na linawin muna ni VP Sara ang paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan, na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano malinaw sa publiko.
“Bago husgahan o batikusin ang Pangulo, siguro dapat munang ipaliwanag ng Bise Presidente kung saan napunta ang confidential funds. Transparency ang sinisigaw nila, pero kailan pa ba sila naging transparent?” - Atty. Claire Castro
Sa isang pahayag mula sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Undersecretary Claire Castro na tila nakalilimot ang kampo ni VP Sara sa mga tanong ukol sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd.
Dagdag pa ni Castro, malinaw na pilit na nililihis ng kampo ni VP Sara at Sen. Imee ang usapin upang ilayo sa atensyon ng publiko ang kanilang sariling pananagutan.
Noong 2023, naging laman ng balita ang paggamit ng ₱125 milyon confidential funds ng OVP na umano’y naubos sa loob lamang ng 11 araw. Maraming mambabatas ang nagtanong kung paano ginamit ang naturang pondo, ngunit tumanggi si VP Sara na magbigay ng detalye dahil umano’y “classified” ang impormasyon.
Ang muling pagbuhay ng Malacañang sa isyu ng confidential funds ni VP Sara Duterte ay nagpapakita ng lalim ng hidwaan sa pagitan ng dalawang pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa ang Marcos at Duterte.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento