Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi nagkataon ang mga kontrobersyal na pahayag ni Sen. Imee Marcos laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang paglabas ng video statement ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co. Ayon kay Lacson, malinaw na “calibrated attack” ito upang sirain ang imahe ng Pangulo sa publiko.
“Kung babalikan natin ‘yung takbo ng pangyayari, calibrated eh. Sabay lumabas si Zaldy Co at nagsalita si Imee laban sa kapatid niya. Hindi mo masasabing aksidente ‘yon.” - Sen. Ping Lacson
Ipinaliwanag ni Lacson na nagsimula ang lahat nang magpahiwatig si Imee na dadalo si Co sa Senate Blue Ribbon Committee hearing bilang kapalit ni dating Speaker Martin Romualdez, na umatras sa pagharap sa imbestigasyon. Ngunit, imbes na humarap, naglabas si Co ng video statement kung saan inakusahan niya ang Pangulo ng umano’y ₱100 bilyong budget insertion sa 2025 National Budget, kung saan 25% raw ang napunta sa Pangulo mismo isang pahayag na agad pinabulaanan ng Malacañang.
Ayon kay Lacson, kapansin-pansin din ang sabay na timing ng mga pangyayari ang paglabas ng video ni Co at ang dalawang araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) kung saan tumindig sa entablado si Sen. Imee Marcos at ipinahayag ang umano’y paggamit ng ilegal na droga ng Pangulo.
Sa gitna ng magkasabay na kontrobersiya, umalingawngaw ang babala ni Sen. Ping Lacson tungkol sa mga posibleng planadong pag-atake laban sa Pangulo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento