Nagpahayag ng pagdududa at pagtatanggol si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos mabanggit ang pangalan ni dating Senadora Grace Poe sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y “kickback” mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Baligtad ’yung nangyari eh. ’Di ba ang DPWH ang may utang sa pamilya ni Grace Poe? May right of way, sinagasaan ang property ng mother-in-law ni Grace tapos hindi pa bayad hanggang ngayon. Ang laki ng halaga, nasa ₱100 million.” - Senate President Vicente “Tito” Sotto III
Sa halip na sangkot sa katiwalian, sinabi ni Sotto na baligtad ang kuwento—ang DPWH pa umano ang may malaking utang sa pamilya ni Poe dahil sa isyu ng right of way na matagal nang hindi nababayaran.
Ayon kay Sotto, lumalabas na maling impormasyon ang kumalat hinggil sa umano’y pagtanggap ni Grace Poe ng pera mula sa proyekto ng DPWH. Ang totoo, sinabi ni Sotto, ay matagal nang may utang ang ahensya sa pamilya ng dating senadora, matapos maapektuhan ng isang proyekto ng gobyerno ang lupang pag-aari ng kanyang biyenan.
Batay sa dokumentong hawak ni Sotto, naganap ang proyekto mahigit isang dekada na ang nakalipas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ang kompensasyon.
Sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng gobyerno ukol sa flood control scandal at budget anomalies, muling lumutang ang pangalan ni Grace Poe ngunit ayon kay Tito Sotto, mali ang direksyon ng paratang. Sa halip na tumanggap ng kickback, si Poe umano ang biktima ng matagal na pagkakautang ng DPWH, na umaabot sa ₱100 milyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento