Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpakalat na ito ng mga hunter o tracker teams upang hanapin at arestuhin si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co at 17 iba pang personalidad na sangkot umano sa ₱100-bilyong flood control anomaly.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang mga team ay nakahanda nang isilbi ang arrest warrant on the spot, saan man magtago ang mga akusado.
“Hindi kami nagbibiro rito. Kung nasaan sila, doon namin sila kukunin. The hunter teams are fully coordinated with the PNP and NBI for immediate capture.” -Secretary Jonvic Remulla
Ayon kay Remulla, mahigpit ang koordinasyon ng DILG sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng mga akusado.
Ipinatupad na rin ang nationwide manhunt operation at inalerto ang mga immigration checkpoints at border entry points sa posibleng pagtatangkang tumakas palabas ng bansa.
Matatandaang kinumpirma ng DILG na huling nakita si Zaldy Co sa Japan, batay sa Interpol Blue Notice. Ngayon, kasabay ng lokal na manhunt, inaasikaso na rin ng gobyerno ang Interpol Red Notice para sa international arrest and extradition ng dating kongresista at ng kanyang mga kasabwat.
Ang pagpapakalat ng hunter teams ng DILG ay malinaw na indikasyon ng seryosong kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento