Patuloy na binabantayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga galaw ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, matapos mailabas ang warrant of arrest laban sa kanya at 17 iba pa na sangkot umano sa ₱100-bilyong flood control anomaly. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, huling nakita si Co sa Japan, batay sa impormasyon mula sa Interpol “Blue Notice.”
“Ang last known… few days ago nasa Japan siya, Ang taong ito, hindi dapat malayang naglalakbay” - Secretary Jonvic Remulla
Ipinaliwanag ni Remulla na ang Blue Notice ay isang alerto mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) na ginagamit para makakuha ng impormasyon tungkol sa mga person of interest sa mga kasong kriminal kabilang na ang kanilang lokasyon, aktibidad, at posibleng ugnayan sa mga sindikato. Ayon sa DILG, may mga tala na naglakbay si Co sa United States, Europe, Singapore, Spain, Portugal, at Japan bago siya tuluyang nawalan ng komunikasyon sa bansa.
Dagdag pa ng DILG, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang kanselahin ang pasaporte ni Co. Layunin nitong pigilan ang patuloy niyang paglalakbay at matiyak na hindi siya makakatakas sa pananagutan.
Habang tumitindi ang imbestigasyon sa ₱100-bilyong flood control corruption scandal, nananatiling isa si Zaldy Co sa mga pangunahing target ng gobyerno. Sa ilalim ng pamumuno ni DILG Secretary Jonvic Remulla, malinaw ang direksyon walang makakalusot sa batas.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento