Pinangangambahan ni Senadora Risa Hontiveros na nakatakas na sa bansa si Cassandra Li Ong, ang isa sa mga pangunahing akusado sa kasong qualified human trafficking na kaugnay ng operasyon ng iligal na POGO hub sa Pampanga.
Ayon kay Hontiveros, hinahanap na ng mga awtoridad si Ong matapos itong hindi matagpuan sa kanyang tirahan.
“Masasayang lahat ng pinaghirapan nating imbestigasyon. Kinakatakutan lang natin baka rin ‘yung the same backdoor sa Tawi-Tawi, you remember kay Alice Guo,” - Sen. Risa Hontiveros
Batay sa ulat, nakikipag-ugnayan na ang Senado sa Bureau of Immigration (BI) upang alamin kung may tala ng pag-alis si Ong sa bansa.
Pinag-aaralan din ng mga awtoridad kung ginamit niya ang backdoor channel sa Tawi-Tawi, katulad ng sinasabing ginamit ni dating Bamban Mayor Alice Guo sa kanyang pagtakas.
Ayon sa BI, wala pang kumpirmasyon kung nakalabas na si Ong sa bansa, ngunit patuloy nilang sinusuri ang immigration records at mga flight manifest sa huling dalawang linggo.
Si Cassandra Ong ay itinuturing na isa sa mga key personalities sa operasyon ng POGO hub sa Porac, Pampanga, kung saan natuklasan ang mga dayuhang manggagawa at human trafficking victims. Ayon sa mga imbestigador, siya umano ang nagsilbing financier at coordinator ng operasyon, dahilan upang mapasama siya sa mga kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ).
Ang pagkawala ni Cassandra Li Ong ay muling nagpapakita ng kahinaan ng sistema sa border at law enforcement, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa POGO at human trafficking.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento