Sa gitna ng mainit na usapin ukol sa ₱100 bilyong budget insertion scandal, inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hinihimok niya si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na umuwi sa Pilipinas upang personal na magsumite ng salaysay at posibleng maging state witness sa isinasagawang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Remulla na tinitingnan ng kanilang opisina ang posibilidad na gawing state witness si Zaldy Co, kung mapapatunayan na hindi siya pangunahing sangkot sa anomalyang ibinulgar niya.
Tiniyak ni Remulla na mayroong state witness protection program na magbibigay ng seguridad kay Zaldy at sa kanyang pamilya kung sakaling bumalik ito sa bansa upang tumulong sa imbestigasyon.
Ayon kay Remulla, bukas ang pintuan ng Office of the Ombudsman para kay Zaldy, at tiniyak niyang handa silang magbigay ng proteksyon sa kanyang seguridad, lalo na kung tunay na may banta sa kanyang buhay dahil sa kanyang mga ibinunyag laban sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Dagdag pa ng Ombudsman, nauunawaan niya ang mga takot ni Zaldy, lalo na’t nabanggit ng dating kongresista sa kanyang mga pahayag na posible siyang ipapatay o saktan dahil sa mga rebelasyong inilabas niya laban sa mga makapangyarihang personalidad.
Ang panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ay malinaw na paanyaya para sa katotohanan at hustisya kung talagang may ebidensya si Zaldy Co, panahon na upang siya ay umuwi at tumindig bilang state witness. Sa ilalim ng batas, may proteksyon para sa mga handang maglabas ng katotohanan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento