Ipinahayag ni Dr. Richard Mata, isang kilalang public health advocate, ang kanyang pagkadismaya sa administrasyong Marcos Jr. matapos ang trahedyang dulot ni Bagyong Tino na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira sa Cebu at iba pang bahagi ng Visayas.
Ayon kay Dr. Mata, malinaw na kulang ang maagang paghahanda ng pamahalaan sa kabila ng pagkakaroon ng bilyon-bilyong intelligence funds na dapat ay ginagamit din sa surveillance at risk assessment sa panahon ng kalamidad.
“Bilyones ang intelligence funds ng Presidente para sa surveillance o intelligence-gathering, pero hindi niya napaghandaan si Bagyong Tino. Napakaraming casualties hindi puro sorry lang,” ani Dr. Mata sa isang panayam.
Dagdag pa ni Dr. Mata, dapat nang maipaliwanag sa publiko kung saan napupunta ang intelligence funds ng gobyerno, lalo na kung patuloy ang pagkabigo nitong magbigay ng maagang babala at konkretong aksyon sa mga kalamidad.
“Ang intelligence funds ay hindi lang para sa terorismo o politika. Dapat ginagamit din ito para sa kaligtasan ng mamamayan kasama ang kalamidad, public health, at disaster prevention. Hindi pwedeng reactive lagi. Dapat proactive,” diin ni Dr. Mata.
Ayon sa kanya, kung nagkaroon lamang ng sapat na surveillance at early warning measures, maaaring naagapan ang pagkamatay ng daan-daang katao sa Cebu at kalapit na lugar. Umapela rin si Dr. Mata na panagutin ang mga opisyal na nagpabaya sa kanilang tungkulin. Aniya, sapat na ang pondo ngunit kulang sa malasakit at tamang direksyon ang kasalukuyang pamahalaan.
Ang pahayag ni Dr. Richard Mata ay isang malinaw na panawagan para sa pananagutan at reporma sa paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na sa mga proyektong may kinalaman sa kaligtasan ng mamamayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento