Ibinahagi ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang isa sa pinakamakabuluhang karanasang nagawa niya sa labas ng showbiz ang pagpondo sa pagpapatayo ng isang pampublikong paaralan at pagbili ng mga reading materials sa Sorsogon matapos makita ang nakakaawang kalagayan ng mga guro at estudyante roon.
“Hindi lang ito tungkol sa pagtulong, kundi sa pagbibigay ng pag-asa. Kung bawat isa sa atin ay kikilos para sa edukasyon, mas malayo ang mararating ng mga bata at mas magiging maganda ang kinabukasan ng Pilipinas.” - Vice Ganda
Sa isang episode ng It’s Showtime, nagbahagi si Vice ng kwento ng isang guro, si Teacher Mitch, na araw-araw na sumusuong sa baha para lamang makapasok sa paaralan sa Malinta. Bukod dito, sariling pera pa raw ang ginagamit ng guro para makabili ng mga gamit tulad ng printer dahil walang sapat na budget ang paaralan.
“Alam naming mga Pilipino na hirap na hirap na kayo kaya kailangan nating gawan ng paraan ang estado ng mga teachers ngayon,” ani Vice.
Naalala rin ni Vice ang isang karanasan noong siya ay bumisita sa Sorsogon para sa kanyang socio-civic online show na Gandara The Beksplorer. Doon, napuntahan niya ang isang pampublikong paaralan na halos walang maayos na libro o kagamitan.
“Wala silang libro. Wala silang learning materials. ’Yung mga libro nila, punit-punit, lumang-luma. Kunyari page one, ang susunod page 11 na,” ani Vice.
Dahil dito, mismong mga guro ang lumapit sa kanya upang humiling ng tulong. Ang simpleng kahilingan: magkaroon ng sapat at maayos na reading materials para sa mga bata.
Hindi nagdalawang-isip ang It’s Showtime host siya mismo ang nagbigay ng pondo para sa mga libro at nag-ambag sa pagpapatayo ng bagong silid-aralan upang matulungan ang mga guro at estudyante.
Ang ginawa ni Vice Ganda ay nagbigay-inspirasyon sa maraming netizens, lalo na sa mga guro at estudyanteng araw-araw na nakikipagsapalaran sa kabila ng kakulangan sa kagamitan at suporta. Para kay Vice, hindi ito tungkol sa pagiging artista, kundi tungkol sa pagbibigay ng pag-asa sa mga nangangailangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento