Nilinaw ni Davao City Acting Vice Mayor Rodrigo “Rigo” Duterte II na walang opisyal na resolusyon mula sa Davao City Council para ideklarang persona non grata si Vice Ganda kaugnay ng kontrobersyal nitong “jet ski holiday” joke laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi namin prayoridad ang paggawa ng ban laban kay Vice Ganda. Mas mahalaga sa amin ang magpatuloy sa paggawa ng mga proyekto para sa kabuhayan, kaligtasan, at kaunlaran ng Davao. Pero paalala ko lang, kung gusto mong maalala sa maganda, kailangan mong ipakita ang respeto at sipag na karapat-dapat tularan.” -Acting Vice Mayor Rodrigo “Rigo” Duterte II:
Si Rigo, anak ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, ay nagsabing mas nakatutok ang konseho sa mas mahahalagang isyu tulad ng imprastraktura, kaligtasan ng publiko, kabuhayan, at mga serbisyong panlipunan, kaysa sa pagpapasa ng ganitong klase ng resolusyon.
Sa kabila ng hindi pagkukumpirma ng ban, hindi rin naiwasan ni Rigo na magbigay ng komento tungkol sa estilo ng pagpapatawa ni Vice Ganda. Aniya, “Ang mga public figure na ginagamit ang kanilang plataporma para manlait imbes na magbigay-inspirasyon ay mas nagpapakita ng kanilang sariling pagkatao kaysa sa mga taong pinipili nilang kutyain.”
Dagdag pa niya, “Kung gusto ni Vice Ganda na maalala hindi lang dahil sa walang-lamang tawanan at mga headline na pampainit ng ulo, siguro panahon na para ipakita niya ang parehong sipag, disiplina, at respeto na araw-araw na ipinapakita ng mga lider at mamamayan ng Davao.”
Sa gitna ng kontrobersiya, malinaw na para sa pamunuan ng Davao, mas mahalaga ang pagtutok sa mga proyektong makikinabang ang taumbayan kaysa sa pag-aksaya ng oras sa isyung may kinalaman sa mga biro ng komedyante. Gayunpaman, naging daan ito para ipaalala sa mga public figure na may kasamang pananagutan ang paggamit ng kanilang impluwensya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento