Isang malagim na trahedya ang yumanig sa buong Eastern Visayas matapos matagpuan ang bangkay ng isang nawawalang babae isang dating beauty queen mula Ormoc City, Leyte na palutang-lutang sa dagat ng Tacloban City noong Agosto 5, 2025.
“Hindi niya ito deserve. Isa siyang mabait at masayahing tao. Hanggang ngayon, hindi kami makapaniwalang ganito ang naging wakas niya. Gusto lang namin ng hustisya. Sana ito na ang huling babaeng pagdadaanan ito.” -Pamilya ng Biktima
Ayon sa mga ulat, ang biktima ay nawawala simula pa noong Hulyo 31. Ilang araw matapos ang pagkawala, narekober ang kanyang katawan hubad, nakagapos, may duct tape sa mukha, at namaga na mula sa pagkakababad sa tubig.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, CCTV footage ang huling nakakita sa babae sapilitang isinakay sa isang sasakyan ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Bagaman natunton na ng mga awtoridad ang plaka ng sasakyan, hindi pa rin natutukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.
Kinilala ang biktima ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga tattoo na nanatiling kita sa kanyang katawan. Ang kanyang pagkamatay ay muling nagbukas ng usapin tungkol sa sunod-sunod na pagkawala at karahasang nararanasan ng mga kababaihan sa bansa, lalo na sa mga probinsya.
Ang karumaldumal na sinapit ng dating beauty queen ay hindi lamang isang trahedya ng isang tao ito ay repleksyon ng paglala ng karahasan, kawalan ng proteksyon, at kawalang-katarungan sa ating lipunan. Sa kabila ng mga imbestigasyon, ang katarungan ay nananatiling mailap.
Habang dumarami ang kaso ng mga nawawalang babae at bangkay na lumulutang sa katahimikan ng dagat, kailangang magsalita ang bayan. Kailangang managot ang dapat managot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento