Advertisement

Responsive Advertisement

PALITAN ANG 4PS NG PANGKABUHAYAN: ERWIN TULFO MAY PANUKALA PARA SA MGA MAHIHIRAP

Lunes, Agosto 4, 2025

 



Iminungkahi ni Senator Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice and Welfare, na palitan na ang buwanang ayuda ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng mas matibay at pangmatagalang solusyon—puhunan para sa sariling kabuhayan.


Ayon kay Tulfo, imbes na patuloy na umasa sa buwanang tulong pinansyal, mas makabubuti kung ang mga benepisyaryo ay bibigyan na lang ng puhunan upang makapagsimula ng sariling negosyo gaya ng karinderya, sari-sari store, o online selling.


“Masakit din daw kasi sa kanila na marinig na mga tamad, pabigat, at hindi sila nakakatulong sa bansa. ‘Pag binigyan mo kasi sila ng puhunan, may magiging ambag sila sa ekonomiya,” ani Tulfo.


"Hindi natin minamaliit ang tulong ng 4Ps, pero panahon na siguro para bigyan natin sila ng pagkakataong makapagsimula ng sariling kabuhayan. Masarap sa pakiramdam ang makatayo sa sariling paa,” – Senator Erwin Tulfo


Hindi ito unang beses na narinig ni Tulfo ang ganitong pananaw. Noong siya ay nanungkulan bilang DSWD Secretary noong 2022, may ilang 4Ps beneficiaries na raw ang nagsabing mas pipiliin nilang magkaroon ng kabuhayan kaysa umasa buwan-buwan sa ayuda.


Binanggit din ng Senador na hindi patas para sa mga low wage earners gaya ng security guards, janitors, at kasambahay na nagtatrabaho araw-araw ngunit hindi naman kuwalipikado sa 4Ps.


“Unfair din naman kasi doon sa mga low wage earner na hindi magkasya ang sahod pero walang ayuda mula sa gobyerno,” dagdag pa ni Tulfo.


Balak ni Senador Tulfo na iparating ang mungkahing ito kay DSWD Secretary Rex Gatchalian at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nalalapit nilang pagkikita. Ayon sa kanya, panahon na para pag-isipan kung paano mas magiging produktibo ang ayuda ng gobyerno sa mas matagalang panahon.


Sa panahong mas kailangan ng mga Pilipino ang pangmatagalang solusyon kaysa pansamantalang tulong, ang mungkahi ni Senator Erwin Tulfo ay maaaring maging simula ng mas makabuluhang pagbabago. Kung mabibigyan ng sapat na puhunan at kaalaman ang mga benepisyaryo ng 4Ps, posible itong maging daan patungo sa tunay na kaunlaran, hindi lang para sa kanila kundi pati sa buong ekonomiya ng bansa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento