Sa kanyang YouTube vlog, nag-test drive si comedian at vlogger Ramon Bautista ng isang 2025 Land Cruiser LC300 na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱5.7 milyon. Pero hindi lang simpleng review ng sasakyan ang naganap, kundi nagbigay din siya ng makabuluhang komento na tila patama sa kalagayan ng politika sa bansa.
Habang komportableng nakasakay sa loob ng mamahaling sasakyan, binitiwan ni Ramon ang mga salitang: “Ganito pala pakiramdam ng congressman, no? Di mo nararamdaman yung mga lubak, yung init, yung struggle ng mga tao. At dito ko narealize, siguro kaya hindi rin aangat ang buhay ng Pilipino, kasi hindi nila ramdam ang hirap ng mamamayan.”
Ayon kay Ramon, maaring ganito rin ang nararamdaman ng ilang politiko na nakaupo sa mataas na posisyon hiwalay sa realidad na nararanasan ng karaniwang mamamayan. Dahil sa ginhawa at pribilehiyong dala ng kapangyarihan at yaman, nawawala raw ang koneksyon nila sa tunay na problema ng mga tao tulad ng matinding trapiko, mainit na panahon, at mga sirang kalsada.
Sa halip na maramdaman ang hirap ng taumbayan, tila nakabalot ang ilan sa “comfort zone” ng kanilang pribilehiyo. Ito rin ang dahilan kung bakit, ayon kay Ramon, hindi umaangat ang pamumuhay ng maraming Pilipino dahil hindi tunay na nararamdaman at nakikita ng ilan sa mga namumuno ang paghihirap ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa simpleng test drive ng isang luxury car, naihayag ni Ramon Bautista ang isang mas malalim na obserbasyon tungkol sa estado ng lipunan at pulitika sa bansa. Minsan, ang pinakamalalakas na pahayag ay hindi galing sa mga talumpati ng politiko, kundi sa simpleng komento ng isang komedyante na nagsasalamin ng katotohanang nakikita ng mga tao araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento