Opisyal nang pinalitan si Police General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) matapos ang kanyang biglaang pagka-relieve mula sa puwesto. Kinumpirma ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Martes, Agosto 26, 2025, na si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang bagong talagang pinuno ng pambansang pulisya.
“Isang malaking karangalan at responsibilidad ang ibinigay sa akin. Sisikapin kong ipagpatuloy ang reporma at serbisyo para sa bayan. Ang pangako ko: isang PNP na mas disiplinado, mas tapat, at mas nakatuon sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.” -Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon kay Remulla, aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ni Executive Secretary Lucas Bersamin na italaga si Nartatez bilang kapalit ni Torre.
“Yes, confirmed. Nartatez will be the next CPNP,” pahayag ni Remulla sa isang panayam.
Si Nartatez ay kabilang sa mga mataas na opisyal ng PNP na matagal nang nagsisilbi sa iba’t ibang sangay ng organisasyon. Bago ang kanyang appointment bilang PNP Chief, kilala siya sa kanyang malinis na track record sa serbisyo at pamumuno sa ilang mahahalagang operasyon laban sa kriminalidad.
Ang kanyang pagkakatalaga ay dumating tatlong buwan lamang matapos umupo sa puwesto si Torre, na ika-31 PNP Chief at ikaapat sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ang mabilis na pagpapalit ng liderato sa PNP ay nagdulot ng maraming katanungan mula sa publiko at sa loob mismo ng hanay ng kapulisan. Ayon sa mga political analysts, inaasahan na magiging hamon para kay Nartatez ang pagpapanumbalik ng tiwala ng taumbayan at pagpapatibay ng disiplina sa hanay ng pulisya, lalo na’t sensitibo ang panahon para sa peace and order situation ng bansa.
Ang biglaang pagpapalit ng liderato sa PNP ay patunay ng pagiging dinamiko at minsan kontrobersyal na mundo ng pulitika at seguridad sa bansa. Habang si Torre ay tatlong buwan lamang nanilbihan, kay Nartatez naman nakasalalay ang pagbabalik ng tiwala at ang pagpapatuloy ng reporma sa pambansang pulisya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento