Isang masakit na kabanata ang sinapit ng pamilya ni Rogelio Adriano, isang vlogger mula sa Kananga, Leyte, matapos siyang bawian ng buhay dahil sa isang online dare na kumain ng buto ng pritong manok kapalit ng halagang ₱20,000. Ang kanyang bangkay ay inilibing nitong Martes, habang ang pamilya ay nananawagan ng hustisya at imbestigasyon sa likod ng mapanganib na hamon.
“Hindi pera ang habol namin ngayon hustisya para sa anak naming namatay dahil sa isang delikadong biro online. Sana matigil na ang mga ganitong klaseng hamon bago may madagdag pang biktima.” -Pamilya ni Rogelio
Ayon sa ulat, tinanggap ni Rogelio ang hamon mula sa isang tagasubaybay sa social media bilang bahagi ng isang “chicken bone mukbang challenge.” Hindi lamang laman ng manok ang kanyang kinain pati ang matitigas na buto ay nilunok niya upang mapatunayan na natapos niya ang dare.
Makalipas ang ilang araw, nakaranas siya ng matinding pananakit ng tiyan at agad na isinugod sa ospital. Sa pagsusuri ng mga doktor, may mga buto na bumara at pumutok sa loob ng kanyang bituka, dahilan ng kanyang pagkamatay sa kabila ng isinagawang gamutan.
Mas lalong ikinasama ng loob ng kanyang pamilya ang pagkawala ng diumano’y tagapaghamon hindi na umano ito nagpakita o nagpadala ng ipinangakong pera.
Ang pamilyang naiwan ni Rogelio ay umaasang makakamit ang katarungan at hinihikayat ang mga awtoridad na alamin kung sino ang nasa likod ng mapanganib na content challenge na naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Ang insidenteng ito ay paalala sa lahat tungkol sa panganib ng paghabol sa viral fame at pera kapalit ang sariling kalusugan at kaligtasan. Hindi lahat ng online challenge ay dapat gayahin lalo na kung ito ay delikado sa katawan.
Ang social media ay hindi dapat maging larangan ng buhay o kamatayan. Panawagan ngayon ng pamilya ni Rogelio at ng marami pang netizen: wakasan na ang mga mapanganib na challenge, at panagutin ang mga taong nananabotahe ng buhay gamit ang likes at views.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento