Matapos ang ilang buwan ng pangamba at pagharap sa batas, isang malaking panalo ang natamo ng kilalang drag artist na si Pura Luka Vega o sa kanyang tunay na pangalan, Amadeus Fernando Pagente matapos siyang mapawalang-sala ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 184 sa kasong cybercrime na isinampa laban sa kanya.
“Ang sining namin ay hindi lang aliw kundi pahayag ng aming pagkatao. Sa desisyong ito, hindi lang ako ang nagtagumpay ang buong LGBTQIA+ community ay nagwagi.” - Pura Luka Vega
Ayon sa 20-pahinang desisyon ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva, bigong mapatunayang lampas sa makatuwirang duda ang pagkakasala ni Pagente kaugnay sa kanyang viral performances na kinabibilangan ng bersyon ng “Ama Namin” at isang video kung saan siya'y sumayaw na hawak ang isang sagradong ostiya habang suot ang isang kasuotan na hango sa Black Nazarene.
Ang reklamo ay isinampa ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI), base sa Article 201 ng Revised Penal Code at sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175). Ngunit sa pagdinig, hindi umano nakapagbigay ng sapat na ebidensya ang prosekusyon upang mapatunayan ang pananagutan ni Pagente.
Matapos ang kanyang pagkaka-acquit, agad siyang naglabas ng pasasalamat sa social media at inialay ang kanyang tagumpay sa mga patuloy na lumalaban para sa karapatan, kalayaan sa pagpapahayag, at pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Ang pagkakawalang-sala kay Pura Luka Vega ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi isang makasaysayang pahayag ng kahalagahan ng kalayaan sa sining at pagpapahayag. Habang may mga kumukwestyon sa anyo ng kanyang pagganap, pinatunayan ng batas na walang dapat parusahan kung walang matibay na ebidensya.
Sa panahong uso ang cancel culture at mabilis ang paghatol sa social media, paalala ito na ang katarungan ay hindi nakabase sa opinyon kundi sa batas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento