Isang senior citizen na kinilalang si Lola Puring ang naging sentro ng simpatya at papuri ng netizens matapos lumabas ang balita na naloko siya ng kanyang kapitbahay—pinagtrabaho bilang labandera buong araw, kapalit lamang ng mga expired na Ovaltine.
“Hindi namin maatim na ang isang senior citizen ay pagtrabahuhin ng husto tapos expired lang ang ibibigay sa kanya. Karapat-dapat po si Lola sa tamang respeto at suporta.” — Ovaltine Philippines
Ang masaklap, ayon sa apo ni Lola Puring, tuwang-tuwa pa raw ang matanda sa inabot sa kanya dahil hindi niya alam na expired na pala ito. Agad itong ibinahagi ng kanyang apo sa social media:
“Kitang-kita ko kung paano n’yo bigyan ng puro expired na pagkain ang lola ko. Pinaglalaba n’yo maghapon kapalit ng expired na pagkain na tuwang-tuwa naman siya kase hindi niya alam.”
Hindi nagpaligoy-ligoy ang Ovaltine Philippines. Sa isang viral video na ibinahagi sa X (dating Twitter), makikita ang mga empleyado ng Ovaltine na bumisita mismo kay Lola Puring dala ang ilang kahon ng bagong produkto—isang taon na supply ng Ovaltine!
Ayon sa kompanya, hindi nila kayang palampasin ang sitwasyon. Gusto raw nilang ipakita na may mga taong handang tumulong, lalo na sa mga mas nakatatanda.
Sa panahon ngayon, marami pa ring tao ang kayang magsamantala—pero mas marami pa rin ang may pusong tumulong. Ang ginawa ng Ovaltine ay patunay na hindi lang negosyo ang pinapairal ng ilang kompanya, kundi malasakit at respeto rin sa mga tulad ni Lola Puring. Sana’y magsilbing inspirasyon ito sa iba pang brand at kababayan na maging mas mapagmalasakit sa kapwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento