Usap-usapan ngayon sa social media ang biglaang pagkawala nina MC Muah Calaquian at Lassy Marquez sa noontime show na It’s Showtime. Wala mang opisyal na pahayag mula sa dalawa, maraming netizens ang nagtatanong: Nagpaalam nga ba sila nang kusa? O may mas malalim na dahilan?
Ayon sa Cabinet Files, isang source na malapit sa programa ang nagsabing kusang-loob umanong nagpahinga sina MC at Lassy, dahilan kaya hindi na sila napapanood sa It’s Showtime na kasalukuyang umeere sa GMA 7, A2Z, Kapamilya Channel at ALLTV.
Isa sa mga pinaghihinalaang dahilan ng kanilang pag-alis ay ang viral vlog ni Vice Ganda na kinunan sa kanilang outing sa Coron, Palawan. Sa naturang video, mapapanood si Vice na diretsahang pinagsabihan si MC sa harap ng kanilang mga kaibigan. Ayon kay Vice, palaging huling dumarating si MC sa mga lakad at hindi marunong makisama.
Bagamat may mga umayon sa kilos ni Vice, marami rin ang nagsabi na hindi tama ang pag-confront niya kay MC sa harap ng maraming tao. "Walang respeto," ani ng ilang netizens. Dagdag pa nila, "Pwede namang kausapin nang pribado."
Simula nang lumabas ang vlog ni Vice, hindi na nasilayan sina MC at Lassy sa noontime show. Ilang araw lamang ang lumipas, lumutang ang balitang maaaring pinili na lamang nilang umatras pansamantala sa programa — isang desisyong tingin ng ilan ay may halong sakit at respeto.
Ayon sa ilang kaibigan nila, tumatanaw ng malaking utang na loob ang dalawa kay Vice, lalo’t ito ang nagbigay sa kanila ng pagkakataong makilala sa mainstream media. Kasama sila ni Vice sa ilang pelikula at mga live shows.
Gayunman, may mga tagasuporta rin na nagsasabing hindi dapat isantabi ng dalawa ang kanilang nararamdaman, lalo na kung nasaktan sila sa naging asal ni Vice.
Habang nananatiling tikom ang bibig nina MC Muah at Lassy, tila may malinaw na mensaheng dala ang kanilang katahimikan—may pinagdadaanan ang samahan nilang magkakaibigan. Sa mundo ng showbiz, natural ang mga hindi pagkakaunawaan, pero ang mahalaga ay kung paano ito aayusin at kung anong mga leksyon ang baon ng bawat isa mula rito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento