Nanawagan si Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro sa taumbayan na huwag mawawalan ng tiwala at bigyan pa ng ikalawang pagkakataon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng lumalakas na panawagan para sa kanyang pagbibitiw.
Ayon kay Castro, nakikita naman daw ng publiko ang tuloy-tuloy na pagsusumikap ng administrasyon upang labanan ang korapsyon at papanagutin ang mga sangkot sa mga anomalya.
Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Castro na hindi patas na hatulan ang administrasyon nang hindi binibigyan ng sapat na panahon upang matapos ang mga hakbang kontra korapsyon.
“Tingin natin ang mga tao ay nakikita naman ang trabaho ng ating Pangulo, ng administrasyon, para masawata ang korapsyon. May mga nagsoli ng pera, may mga sasakyang in-auction, at may mga nakasuhan na. Ibig sabihin, may gumagalaw.” -Atty. Claire Castro
Binanggit din niya na may mga warrant of arrest nang inilabas laban sa ilang opisyal na sangkot sa katiwalian, patunay daw na seryoso ang pamahalaan sa kanilang kampanya.
Ayon pa kay Castro, hindi raw madaling tapusin ang malawak na problema ng korapsyon, ngunit mahalagang makiisa ang sambayanan at magbigay ng pagkakataon sa pamahalaan na tapusin ang kanilang sinimulan.
Ang panawagan ni Usec. Claire Castro ay isang pagsusumikap na panatilihin ang tiwala ng publiko sa gitna ng kontrobersya at mga panawagan para sa pagbibitiw ng Pangulo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento