Matapos ang malawakang pagbaha sa Cebu dulot ng Bagyong Tino, humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga apektadong pamilya, inamin niyang hindi sapat ang naging paghahanda ng gobyerno sa biglaang pagragasa ng flash flood na ikinasawi ng daan-daang residente at sumira sa maraming kabahayan.
Sa isang pahayag mula sa MalacaƱang, sinabi ng Pangulo na bagama’t nagkaroon ng mga paunang babala, hindi nila inaasahan ang bilis at tindi ng pagbaha.
“We are very, very sorry. Hindi ko, siyempre lahat kami nalulungkot dahil napakataas ng ating casualty figures. At ito karamihan talaga ay dinala ng tubig. Dahil sa laki ng tubig, dahil sa bilis ng parating na flash flood,” ani Marcos Jr.
Dagdag pa ng Pangulo, ang mga lokal na opisyal ay nakatuon sa paghahanda laban sa storm surge, ngunit hindi nila inasahan na ang mismong ulan mula sa kabundukan ang magiging sanhi ng trahedya.
“Ang sinasabi sa atin, ang pinaghahandaan ng mga LGU officials was a storm surge, yung papasok galing sa dagat. Pero ang talagang nangyari, flash flood naman. Iba yung nangyari at hindi natin napaghandaan dahil iba yun ine-expect natin,” dagdag ni Marcos Jr.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa mahigit 120 ang nasawi at libo-libong pamilya ang inilikas dahil sa rumaragasang baha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Cebu, Mandaue, at Talisay City.
Maraming residente ang nagrereklamo na walang sapat na abiso mula sa mga lokal na awtoridad bago dumating ang rumaragasang tubig, na ikinagalit ng publiko.
Maraming Cebuanos ang nagsabing huli na ang paghingi ng tawad ng Pangulo dahil hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala. Gayunman, may ilan din ang nagsabing mahalagang umamin ng pagkukulang upang mapabuti ang disaster preparedness sa hinaharap.
Ang pag-amin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay isang hakbang tungo sa transparency at accountability, ngunit hindi nito mabubura ang pinsala at pagdurusang dinanas ng mga taga-Cebu.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento