Naging laman ng social media ang komedyanteng si Kiray Celis matapos umani ng batikos mula sa mga netizens, partikular na sa mga Pilipinong naninirahan sa Japan, dahil sa isang larawan mula sa kanyang prenup photoshoot kung saan siya ay nakaupo sa ibabaw ng vending machine sa Dotonbori District, Osaka, Japan.
Ang larawan ay parte ng pre-nuptial shoot ni Kiray kasama ang kanyang fiancé na si Stephan Estopia. Ngunit sa halip na purihin, marami ang na-offend, dahil ayon sa ilang netizens, isang uri ng kawalang galang ang pag-upo sa vending machine, isang bagay na itinuturing na hindi naaangkop sa kultura ng mga Hapon.
Ilang oras matapos mag-viral ang post, binura ni Kiray ang larawan mula sa kanyang Instagram account. Hindi pa siya agad nagbigay ng opisyal na pahayag, ngunit marami sa kanyang mga tagahanga ang nagsimulang ipagtanggol siya, sinasabing hindi naman siya nagkaroon ng masamang intensyon.
Ayon sa ilang Pinoy workers sa Japan, ang ginawa ni Kiray ay maaaring magdulot ng maling impresyon sa mga lokal na Hapon tungkol sa mga Pilipino. Gayunman, may ilan ding dumepensa kay Kiray, sinasabing hindi niya ito alam at posibleng nagkataon lang sa direksyon ng photographer.
Ang nangyari kay Kiray Celis ay isang paalala sa lahat ng Pilipino sa ibang bansa na mahalagang alamin at igalang ang kultura ng bansang pinupuntahan, kahit sa mga simpleng bagay tulad ng litrato o public behavior.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento