Hindi pinalampas ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap ang umano’y labis na pagtatanggol ni Atty. Claire Castro, tagapagsalita ng Malacañang, kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng mga isyung bumabalot sa administrasyon, kabilang na ang ₱100-bilyong budget insertion scandal.
Sa isang post sa kanyang social media account, ibinahagi ni Yap ang kanyang kontrobersyal na pahayag: “Sierra Madre and Sierra Ulo.”
Maraming netizens ang nag-interpret ng pahayag bilang patutsada laban kay Atty. Castro, na tila tinutukoy ni Yap na “sira ulo” o wala sa tamang katwiran dahil sa pagdedepensa nito kay Marcos kahit halatang may iregularidad umano sa mga isyu ng gobyerno.
Ayon sa ilang netizens, ang pahayag ni Yap ay reaksyon sa naging panayam ni Atty. Castro kamakailan kung saan ipinagtanggol nito ang Pangulo laban sa mga paratang ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Ayon kay Yap, hindi lahat ng depensa ay dapat pilitin kung halatang taliwas sa katotohanan.
“Hindi ko na alam kung katapatan pa ba o kabaliwan na ‘yung ginagawa ng ilan. Kapag mali, mali kahit pa ang pinagtatanggol mo ay Pangulo” - Darryl Yap
Sinabi pa ng direktor na hindi raw siya kalaban ng administrasyon, ngunit bilang isang mamamayan, may karapatan siyang magpahayag ng opinyon lalo na kung nakikita niyang mali ang nangyayari.
Ang panibagong kontrobersya kay Darryl Yap ay patunay na mananatiling hati ang opinyon ng publiko pagdating sa mga taong naglalakas-loob magsalita laban sa gobyerno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento