Nagbigay ng matinding paalala si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III sa publiko hinggil sa masamang epekto ng paggamit ng illegal na droga. Sa kanyang pahayag, hindi lang niya binigyang-diin ang panganib sa kalusugan, kundi pati na rin ang moral at pisikal na pagkasira ng isang tao na nalululong sa bisyong ito.
“Wala pa akong nakitang adik na gumwapo o gumanda. Lahat ng adik, pangit hindi lang sa hitsura, kundi sa asal at pananaw sa buhay,” - Gen. Nicolas Torre III
Ayon kay Torre, karamihan sa mga nalululong sa droga ay nagsisimula sa maling akala na ito ay makakatulong sa stress o problema ngunit sa katunayan, unti-unti nitong winawasak ang isip, katawan, at dignidad ng tao. Aniya, ang pagkalulong sa droga ay hindi lang personal na pagkakamali, kundi krimeng unti-unting pumapatay sa kinabukasan.
Dagdag pa ni Torre, hindi lang pisikal ang epekto ng droga nagbabago rin ang pag-uugali ng isang tao. Mula sa pagiging masayahin at responsable, nagiging mainitin ang ulo, walang direksyon, at madalas ay mapanakit. Ito rin daw ang dahilan kung bakit marami sa mga krimen sa bansa ay konektado sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang pahayag ni PNP Chief Nicolas Torre III ay isang malinaw at matapang na babala laban sa epekto ng illegal na droga sa lipunan.
Ipinunto niya na ang droga ay hindi nagbibigay ng kaginhawaan o ganda sa buhay, bagkus ay sumisira ng katawan, pagkatao, at dangal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento