Tila naantig ang puso ng mga netizens matapos mag-viral ang larawan ng asong si Tigger, isa sa mga furbabies ng Pawssion Project, matapos ang pananalasa ng Bagyong TinoPH sa Bacolod. Sa kabila ng pagkasira ng kanilang kubo sa shelter, makikita sa larawan na bumalik pa rin si Tigger sa kanyang dating pwesto, tila naghahanap ng kapanatagan sa gitna ng kawalan.
Sa Facebook post ng Pawssion Project, ibinahagi nila ang touching na eksenang ito: “This is Tigger’s spot at the shelter and even if their kubo fell apart, he still found it to be his safe space in the middle of all the cleaning and clearing yesterday.”
Dagdag pa ng grupo, ang tagpong iyon ay paalala ng katapatan at kasimplehan ng kaligayahan ng mga aso.
“Dogs really have the simplest joys. They are worth all the sacrifices,” ani ng organisasyon.
Ang larawan ay agad na kumalat sa social media, at umani ng libo-libong reaksyon, komento, at shares. Marami ang naantig sa katapatan ni Tigger, at may ilan pang netizens na nagpaabot ng donasyon at tulong para sa pagsasaayos ng nasirang Bacolod Shelter ng Pawssion Project.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nanawagan ng tulong ang grupo matapos masira ng bagyo ang ilang bahagi ng kanilang tirahan para sa mga aso. Sa kabila ng hirap, nagpapatuloy pa rin sila sa pangangalaga at pagliligtas ng mga hayop sa lansangan at si Tigger ay naging simbolo ng pag-asa at katatagan para sa kanila.
Ang kuwento ni Tigger ay higit pa sa isang viral na larawan ito ay paalala ng katapatan, resiliency, at walang kapalit na pagmamahal ng mga alagang hayop. Sa gitna ng kalamidad, ipinakita ni Tigger na ang bahay ay hindi lamang lugar, kundi pakiramdam ng kapanatagan at pagmamahal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento