Mistulang kumpirmado na ang pagpasok ni Dasmariñas Representative Francisco “Kiko” Barzaga sa 2028 gubernatorial race sa Cavite, matapos ang kanyang matapang na pahayag sa social media laban kay DILG Secretary Jonvic Remulla.
Sa kanyang post, mariing sinabi ni Barzaga na handa siyang tumakbo bilang gobernador, kasabay ng pagsisiwalat ng umano’y pagbabanta mula sa kampo ni Remulla.
“Papakulong raw ako ni Jonvic Remulla dahil kakalabanin ko siya bilang Governor sa 2028? Pinatunayan mo lang na korap buong pamilya mo.” - Rep. Kiko Barzaga
Kung matutuloy, magiging isa ito sa pinakamainit na halalan sa Cavite, lalo’t kapwa matagal nang nasa serbisyo publiko ang dalawang personalidad.
Si Remulla ay kasalukuyang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at dating gobernador ng Cavite, samantalang si Barzaga naman ay unang termino pa lang bilang kongresista ng ikaapat na distrito ng Cavite, ngunit matagal nang kilalang lider sa Dasmariñas.
Ipinahayag ni Barzaga na hindi siya uurong sa laban, kahit pa aniya ay sinusubukan siyang takutin o patahimikin. Dagdag pa niya, matagal na niyang nakikita ang mga isyung bumabalot sa pamahalaang lokal at panahon na raw upang maibalik ang tunay na serbisyo sa Caviteños.
Habang papalapit ang 2028 elections, tila maagang umiinit ang politika sa Cavite. Ang posibleng laban nina Kiko Barzaga at Jonvic Remulla ay hindi lamang simpleng halalan, ito ay pagsubok sa impluwensya ng mga political dynasty at sa panawagan ng mga Caviteño para sa pagbabago.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento