Nagpahayag si Senador Win Gatchalian ng isang makataong panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang paniningil ng renta at pagpapalayas sa mga umuupa ng bahay tuwing panahon ng kalamidad.
“Kapag may kalamidad, dapat may awa at malasakit. Hindi makatao na maningil ng renta o palayasin ang mga umuupa habang hirap na hirap silang mabuhay” - Sen. Win Gatchalian
Ayon kay Gatchalian, layunin ng panukala na bigyan ng proteksyon at ginhawa ang mga pamilyang labis na naapektuhan ng mga sakuna tulad ng bagyo, lindol, o pagbaha. Sa panahon aniya ng trahedya, hindi dapat iniisip ng mga tao ang kung saan kukuha ng pambayad sa renta kundi kung paano sila makakabangon at makakasurvive.
Sa panukalang batas ni Gatchalian, ang mga landlords at property owners ay hindi papayagang maningil ng renta o magpalayas ng tenants sa loob ng itinakdang panahon ng kalamidad na idedeklara ng gobyerno. Layunin nitong maiwasan ang dagdag pasanin sa mga pamilyang nawalan ng trabaho, kabuhayan, o tirahan dahil sa sakuna.
Ipinaliwanag ng senador na ang panukala ay magbibigay ng temporary suspension ng renta sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity. Ang layunin nito ay bigyan ng sapat na panahon ang mga residente upang makabangon at muling makapagsimula bago sila obligahing magbayad muli ng renta.
Kasabay nito, ang mga landlord ay maaaring humingi ng tulong o kompensasyon mula sa gobyerno sa pamamagitan ng relief fund o tax incentives upang hindi rin sila malugi sa panahong suspendido ang singilan.
Hinimok din ni Gatchalian ang mga LGUs na gumawa ng mga lokal na ordinansa na tutugon sa ganitong sitwasyon, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo at pagbaha. Aniya, mahalagang may koordinasyon ang national at local government para matiyak na maipatutupad nang maayos ang proteksyong ito para sa mga umuupa.
Ang panukala ni Senador Win Gatchalian ay isang makataong hakbang na naglalayong bigyan ng proteksyon at ginhawa ang mga pamilyang Pilipino sa gitna ng mga kalamidad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento