Naglabas ng panibagong abiso ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) kaugnay ng Bagyong Uwan, na kasalukuyang palabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit may posibilidad na muling pumasok sa loob ng bansa sa darating na Miyerkules, Nobyembre 12.
“Bagama’t palabas na sa PAR si Typhoon Uwan, hindi pa tayo tuluyang ligtas. May posibilidad itong umikot at muling bumalik sa Philippine Area of Responsibility" - PAGASA
Ayon sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA, bagama’t lumalabas na ang bagyo sa northwest direction ng PAR, inaasahang iikot ito northward at eastward, bago muling magbago ng direksyon at posibleng bumalik sa bansa.
Batay sa forecast, inaasahan ang mabibigat na pag-ulan, malalakas na hangin, at posibleng storm surge sa mga lugar na maaapektuhan kung sakaling bumalik si Bagyong Uwan. Ang mga rehiyon ng Northern Luzon, Bicol Region, at Eastern Visayas ang pinababalaang maging alerto at handa sa posibleng muling epekto ng bagyo.
Sa kasalukuyang trajectory, sinabi ng PAGASA na lilipat si Uwan patungong northwest, ngunit aakyat ito northward bago umikot pabalik eastward, isang kilalang pattern ng mga bagyo na nananatili sa karagatang may mataas na temperatura. Inaasahang muling lalakas si Uwan pansamantala habang nasa dagat bago ito humina at maging Low Pressure Area (LPA) pagsapit ng Biyernes, Nobyembre 14.
Nagpaalala ang PAGASA at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na maging maingat at huwag magpakampante, lalo na sa mga lugar na dati nang binaha dahil kay Bagyong Uwan.
Habang tila lumalabas na sa bansa si Bagyong Uwan, nananatiling banta pa rin ito ayon sa PAGASA. Ang posibilidad ng pag-ikot at muling pagbalik nito sa Pilipinas ay paalala na ang kalikasan ay hindi dapat balewalain.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento