Umani ng batikos online si Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco matapos maglabas ng pahayag na tila ibinabaling ang sisi sa mga tao na nakatira malapit sa mga flood-prone area, sa gitna ng trahedyang dulot ng Bagyong Uwan.
Sa isang social media post na tumatalakay sa malawakang pagbaha at isyu ng korapsyon sa flood control projects, nagkomento ang kongresista:
“Bakit kasi sa flood plain gumawa ng tirahan? Takaw sakuna.” - Rep. Mark Cojuangco
Agad itong kumalat at nag-viral online, kung saan maraming netizens ang nagpahayag ng galit at pagkadismaya. Ayon sa ilan, tila isinisisi ni Cojuangco ang kasalanan sa mga mahihirap sa halip na sa palpak na urban planning at kakulangan ng epektibong flood management ng pamahalaan.
Maraming Pilipino ang nagsabing walang simpatiya ang kongresista sa mga biktima ng baha. Ayon sa mga komento sa social media, maraming pamilya ang napilitang manirahan sa mga flood-prone areas dahil sa kakulangan ng abot-kayang pabahay at kabuhayan sa mas ligtas na lugar.
Ang Pangasinan ay isa sa mga probinsyang matinding tinamaan ng pagbaha matapos ang pagdaan ng Bagyong Uwan, kung saan ilang bayan ang lubog pa rin sa tubig hanggang ngayon. Maraming residente ang nawalan ng bahay at kabuhayan, at libo-libo ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers.
Sa halip na tumulong o magpakita ng suporta, ayon sa mga netizens, mas nakadagdag ng sakit ang mga pahayag ng kongresista.
Dahil sa isyung ito, muling nabuhay ang panawagan ng mga eksperto at environmental advocates na ayusin ang urban housing policy ng bansa. Ayon sa kanila, kakulangan sa urban planning at korapsyon sa flood control projects ang ugat ng paulit-ulit na trahedya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento