Hindi napigilan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez ang kanyang galit at pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon matapos ang magkasunod na Bagyong Tino at Uwan na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira ng kabuhayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang maanghang na social media post, diretsahang itinuro ni Regine ang gobyerno bilang may kasalanan sa patuloy na pagkasira ng kalikasan at kawalan ng kahandaan sa mga kalamidad.
“Sa lahat ng sangay ng gobyernong walang malasakit, ANG KAKAPAL NG MUKHA NYO! KAYO ANG MAY KASALANAN SA LAHAT NG NANGYAYARI SA PILIPINO!!!!!!!!!” -Regine Velasquez-Alcasid
Ayon kay Regine, matagal nang babala ng mga eksperto ang epekto ng pagputol ng mga puno, pagmimina, at reklamasyon sa kabundukan at karagatan ngunit tila hindi ito pinakikinggan ng mga namumuno.
Dagdag pa niya, ang kalikasan na mismo ang bumabawi sa kapabayaan ng tao. Aniya, kung hindi pa kikilos ngayon, baka dumating ang panahon na wala nang Pilipinas na maiiwan para sa susunod na henerasyon.
Maraming netizens ang sumang-ayon kay Regine, pinuri ang kanyang tapang na magsalita laban sa katiwalian at kawalang-aksiyon ng mga nasa posisyon. Ayon sa mga komento, dapat daw pakinggan ang mga personalidad na may impluwensya dahil sila ay may kapangyarihang iparinig ang tinig ng masa.
Gayunpaman, may ilan din na nagsabing dapat mas mahinahon ang aktres sa pagpahayag ng kanyang opinyon, dahil hindi raw lahat ng opisyal ng gobyerno ay walang ginagawa.
Ang matapang na pahayag ni Regine Velasquez ay hindi lamang galit ito ay sigaw ng pagkadismaya ng mamamayan na paulit-ulit nang dumaranas ng kalamidad na dulot ng kapabayaan sa kapaligiran. Totoo man o hindi ang lahat ng kanyang paratang, nananatiling realidad na patuloy na naghihirap ang mga Pilipino dahil sa kawalan ng maayos na environmental policy at disiplina sa pamahalaan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento