Nilinaw ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na wala pang anumang ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaugnay ng umano’y ₱100 bilyong insertions sa 2025 national budget.
Ayon kay Remulla, bagama’t seryoso ang mga pahayag ni Co, kailangan pa itong patunayan sa pamamagitan ng sworn testimonies, dokumento, at personal na pagharap ng mga saksi bago ito isailalim sa mas malalim na imbestigasyon.
“Wag puro chismis. Walang nakikita ang aming tanggapan na konkretong ebidensya na magdidiin sa kanya.” - Ombudsman Jesus Crispin Remulla
Binigyang-diin ni Remulla na ang mga alegasyon ay hindi sapat na basehan para sa kaso, lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa mga pahayag na hindi sinumpaan o hindi personal na pinanindigan ng nag-akusa. Ayon sa kanya, tanging authentic documents at firsthand statements ang maaaring maging batayan ng anumang aksyon ng Ombudsman.
Mariin ding iginiit ng Ombudsman na ang tanggapan ay mananatiling independent at hindi magpapagamit sa anumang political agenda. Ayon sa kanya, mahalagang maipreserba ang kredibilidad ng Office of the Ombudsman sa gitna ng mga kontrobersyang bumabalot sa mga isyung politikal.
Sa kabila ng mga mainit na paratang laban kay Pangulong Bongbong Marcos, malinaw ang posisyon ng Ombudsman: walang sapat na ebidensiya upang idawit ang Pangulo sa anumang anomalya sa 2025 national budget.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento