Sa gitna ng mga relief operations matapos ang hagupit ng Bagyong Tino at lindol sa Cebu, nagbigay ng makahulugang paalala ang aktres na si Kathryn Bernardo tungkol sa tunay na diwa ng pagtulong. Ayon sa kanya, ang kabutihan ay hindi kailangang may kamera, video, o social media post lalo na kung ito ay taos-puso.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Kathryn na napansin niya ang pagdami ng mga politiko at influencer na tila ginagawang palabas ang pagtulong, laging may kasamang camera crew, scripted na eksena, at minsan pa ay nakasuot ng branded outfits sa gitna ng kalamidad.
“May mga bagay na hindi na kailangan ng camera. Kung totoo ang pagtulong mo, mararamdaman ‘yon ng mga tao hindi mo kailangang ipakita sa mundo,” - Kathryn Bernardo
Ayon pa sa Kapamilya actress, ang tunay na pagtulong ay hindi dapat ginagawang content o pagkakakitaan. Hindi umano masama ang magbahagi ng inspirasyon online, ngunit mas mainam kung ito ay hindi para magpasikat, kundi para magbigay ng pag-asa at malasakit sa mga nangangailangan.
“Ang iba kasi, parang nawawala ‘yung essence ng pagtulong. Parang ang mahalaga na lang ay kung ilang views o likes ang makukuha nila. Pero ang totoo, kung galing sa puso ‘yan, kahit walang makakita, sapat na,” dagdag pa ni Kathryn.
Matapos kumalat ang pahayag ng aktres, umani ito ng libo-libong positibong komento mula sa mga netizens. Marami ang sumang-ayon sa kanya, lalo na sa panahon ngayon kung saan tila mas nauuna pa ang kamera kaysa sa mismong aksyon ng pagtulong.
May ilan ding nagsabi na mas nakaka-inspire ang mga taong tumutulong nang tahimik, gaya ng ilang volunteer groups na tumutulong kahit walang media coverage.
Ang paalala ni Kathryn Bernardo ay isang hamon sa mga Pilipino lalo na sa mga nasa posisyon at may impluwensya na ibalik ang tunay na halaga ng pagtulong. Sa panahon kung saan halos lahat ay dokumentado sa social media, nananatiling totoo ang kanyang mensahe: ang kabutihang ginagawa nang walang kapalit o papuri ay mas may saysay.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento