Muling pinatunayan ni Baron Geisler na ang kanyang talento sa pag-arte ay mas lumalim pa, hindi lamang bilang aktor kundi bilang isang ama. Sa kanyang bagong pelikulang “Delivery Rider,” ginampanan ni Baron ang karakter na si Santo, isang papel na aniya ay pinakamalapit sa kanyang puso, dahil ito ay bunga ng kanyang karanasan bilang magulang ng anak na may special needs.
“Na-realize ko, ito pala ang kwento na nagbibigay pag-asa sa mga magulang na tulad ko. Ang mga batang may special needs ay hindi problema, sila ang dahilan para matuto tayong magmahal nang walang kondisyon. Sana sa pelikulang ito, makita ng lahat na may liwanag sa bawat hirap.” -Baron
Ayon kay Baron, malaki ang naitulong ng kanyang anak na si Talitha sa paghubog ng karakter. “Habang ino-obserbahan ko si Talitha, natutunan kong mas intindihin ang mundo ng mga batang may kakaibang pangangailangan. Nakita ko kung gaano sila katapang at kung gaano kalalim ang pagmamahal nila kahit hindi nila masabi sa salita,” ibinahagi ni Baron.
Dagdag niya, ang karakter ni Santo ay hindi lamang tungkol sa paghahatid ng mga package, kundi paghahatid ng pag-asa, isang mensahe na tumama sa kanya bilang isang ama na patuloy na lumalaban para sa kinabukasan ng kanyang anak.
Simula pa noong 2018, si Baron ay aktibong mental health advocate, at madalas niyang ibahagi sa publiko ang kahalagahan ng pag-unawa at edukasyon pagdating sa mga batang nasa autism spectrum.
“It’s part of it. I’ve been a mental health advocate since 2018. I take it a day at a time. Dapat may boses tayong mga parents para magkaroon ng hope for our kids. Minsan nakakapagod, but with the right education, knowledge, and even food, alam kong magiging okay ang lahat,” ani pa niya.
Ayon kay Baron, natutunan niyang ang pagiging magulang ay hindi laging madali, ngunit ito rin ang pinakamalalim na inspirasyon sa kanyang buhay at trabaho. Sa pelikula, ipinakita niya hindi lamang ang isang karakter kundi ang isang ama na patuloy na lumalaban, umaasa, at nagmamahal.
Ang kuwento ni Baron Geisler ay isang patunay na ang tunay na sining ay nagmumula sa karanasan at puso. Sa kanyang pagganap bilang Santo, hindi lamang niya ipinakita ang galing ng isang aktor, kundi ang lakas ng isang ama na patuloy na nakikipaglaban para sa anak at sa pag-asa ng bawat magulang na may parehong pinagdaraanan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento