Isang nakakaantig na kuwento ng katapatan at wagas na pagmamahal ng isang aso ang nagpaiyak sa marami sa social media matapos kumalat ang larawan ni Whitey, isang aso na patuloy na nag-iikot sa lugar ng trahedya kung saan nasawi ang kanyang among matanda sa isang malakas na lindol.
“Kita namin kung gaano niya kamahal ang amo niya. Halos hindi siya kumakain at ayaw lumayo sa bahay na gumuho. Kaya kahit paano, gusto naming iparamdam sa kanya na may pamilya pa rin siyang masasandalan.” -Kapitbahay
Si Whitey ay nakita ng mga residente sa Sitio Canduang, Barangay Damolog, Sogod, Cebu, habang paulit-ulit na bumabalik at umiikot sa gumuhong bahay ng kanyang amo matapos ang 6.9-magnitude na lindol na tumama kagabi.
Ayon sa mga kapitbahay, ang matanda ay mag-isa lamang na naninirahan sa bahay bago ito tuluyang gumuho dahil sa lakas ng pagyanig. Nasawi ito sa trahedya at mula noon, hindi pa rin umaalis si Whitey sa lugar, tila naghihintay at umaasang muling makikita ang kanyang pinakamamahal na kaibigan.
Ayon sa mga residente, ilang oras matapos ang pagyanig ay nakita nila si Whitey na tila nalilito at umiiyak, patuloy na sumisinghot sa mga debris ng gumuhong bahay.
“Parang ayaw pa niyang umalis. Paulit-ulit siyang bumabalik sa lugar kung saan dati nakaupo ang amo niya tuwing hapon,” ayon sa isang kapitbahay.
Kahit wala na ang taong pinakamahalaga sa kanya, hindi pa rin umaalis si Whitey, isang patunay ng walang kapalit na katapatan ng isang aso sa kanyang amo.
Sa kabila ng sinapit niyang pagkawala, hindi nag-iisa si Whitey ngayon. Ayon sa mga residente, pansamantala siyang inampon ng isang kapitbahay na nagmalasakit sa kanya. Tinitiyak nilang ligtas, busog, at may masisilungan ang aso habang nagpapagaling mula sa trauma ng nangyari.
Ang kuwento ni Whitey ay hindi lamang isang simpleng kwento ng isang alagang aso, ito ay paalala kung gaano kalalim at kadalisay ang pagmamahal at katapatan ng mga hayop sa kanilang mga amo. Kahit sa harap ng trahedya, hindi niya iniwan ang taong pinakamahalaga sa kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento