Advertisement

Responsive Advertisement

BAYANI SA GITNA NG TRAHEDYA: ASO NA SI LUKE, NAILIGTAS ANG AMO SA GITNA NG LINDOL SA CEBU

Sabado, Oktubre 4, 2025

 





Sa gitna ng trahedyang dulot ng malakas na lindol sa Brgy. Paypay, Daanbantayan, Cebu, isang aspin na nagngangalang Luke ang naging tunay na bayani matapos nitong mailigtas ang kanyang amo at anak nito mula sa tiyak na kapahamakan.


“Kung hindi dahil kay Luke, baka wala na kami ngayon. Ang sakripisyo niya ay hindi matutumbasan. Siya ang aming bayani at pamilya habambuhay.” -Amo ni Luke


Ayon sa pamilya, ilang minuto bago tumama ang lindol ay tila may kakaibang nararamdaman si Luke. Hindi ito mapakali at kahol nang kahol na para bang may nais ipahiwatig. Ilang sandali pa’y yumanig ang lupa at gumuho ang bahagi ng kanilang bahay.


Habang patuloy ang pagyanig, mabilis na kumilos si Luke. Sa halip na tumakbo palayo, isinilid nito ang sarili sa ilalim ng gumuhong bahagi ng bahay, nasalo ang bigat nito, at nagbigay daan para makaligtas ang kanyang amo at ang 8-taong gulang na anak.


Nailigtas ang pamilya at agad na naihatid sa pagamutan upang malapatan ng lunas. Ngunit si Luke, na siyang sumalo sa pinakamabigat na pinsala, ay nagtamo ng malubhang sugat lalo na sa kanyang mga paa at maselang bahagi ng katawan.


Sa kasalukuyan, inaalagaan siya ng isang animal welfare organization. Ayon sa mga beterinaryo, patuloy ang kanyang gamutan at rehabilitasyon, bagama’t hindi pa tiyak kung muli pa siyang makakalakad.


Agad na naging viral ang kwento ni Luke sa social media. Maraming netizens ang humanga at nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng donasyon para sa kanyang gamutan. Ang iba pa nga ay naghayag ng interes na tulungan siya kapag kinakailangan ng prosthetic limbs.


Ang kwento ni Luke ay nagpapatunay na ang kabayanihan ay hindi nasusukat sa laki, edad, o uri ng nilalang. Sa kabila ng panganib, pinili niyang protektahan ang kanyang pamilya isang patunay ng walang kondisyong pagmamahal at katapatan ng isang alagang aso. Sana’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat na alagaan, pahalagahan, at suklian ang pagmamahal ng ating mga alaga.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento