Mainit na usapin ngayon ang panawagan ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez na i-boycott ang McDonald’s Philippines matapos akusahan ang komedyante at TV host na si Vice Ganda ng pambabastos kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang concert performance.
“Iparamdam natin ang galit at hagupit ng mamamayang Pilipino. Sumosobra na ang kayabangan at kabastusan nito. Hangga’t si Vice Ganda ang endorser ng McDonald’s, wag muna tayong tumangkilik.” -Vic Rodriguez
Sa isang TikTok video na inilabas noong Agosto 15 sa account na Sarsuwela sa Politika, iginiit ni Rodriguez na hindi lamang nakasakit ng damdamin ng mga tagasuporta ni Duterte ang mga biro ni Vice, kundi lumampas na raw ito sa limitasyon ng pagiging komedyante.
Ayon kay Rodriguez, “Nanawagan po ako sa lahat ng mga taga-Mindanao, taga-Visayas, taga-Luzon, at higit sa mga taga-Davao City: iboykot po natin ang McDonald’s at ang lahat ng programa ni Vice Ganda. Iparamdam natin ang galit at hagupit ng mamamayang Pilipino. Sumosobra na ang kayabangan at kabastusan nito.”
Ang kontrobersiya ay nagsimula sa isang comedic skit ni Vice tungkol sa “jetski holiday” kung saan nabanggit ang West Philippine Sea, International Criminal Court (ICC), at maging ang mga loyalista ni Duterte. Dagdag pa ni Rodriguez, maging ang Iglesia ni Cristo ay hindi pinalampas sa mga biro.
“Kung hindi pa kayo nanananghali at nag-iisip isip, wag ho muna tayo mag-McDo. McDon’t muna tayo hangga’t si Vice Ganda ang endorser niyan,” panawagan pa ng dating opisyal.
Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag ang McDonald’s Philippines ukol sa isyung ito.
Ang panawagan ni Vic Rodriguez laban kay Vice Ganda at McDonald’s ay patuloy na nagpapainit sa diskusyon sa politika at showbiz. Para sa ilan, ito ay lehitimong pagkilos ng pagtatanggol sa kanilang iniidolo; para naman sa iba, isa itong hamon sa kalayaan ng pagpapatawa at malikhaing pagsasalita. Kung ano ang magiging tugon ng McDonald’s at ni Vice Ganda ay tiyak na susubaybayan ng publiko sa mga susunod na araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento