Nagpahayag ng malaking inisyatibo si Ramon S. Ang, President at CEO ng San Miguel Corporation (SMC), na personal na magboboluntaryo upang ayusin ang problema sa baha sa buong Metro Manila nang walang gastos sa pamahalaan at sa taumbayan.
“Hindi ito tungkol sa negosyo. Ito ay tungkol sa malasakit at pagtulong sa kapwa. Kung kaya kong tapusin ang problema sa baha, gagawin ko nang libre, para sa bayan.”
“Ako po si Ramon Ang, nagbo-volunteer ako ngayon. Ako na ang tutulong sa buong Metro Manila ma-solve ang baha, at no cost to the people, at no cost to the government,” wika ni Ang.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ang na handa siyang maglaan ng pondo at resources mula sa SMC upang isagawa ang malawakang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pag-alis ng mga estrukturang humaharang sa natural na agos ng ilog, at pagpatayo ng kapalit na pasilidad gaya ng eskwelahan at pabahay para sa mga maaapektuhan.
Bilang bahagi ng plano, sinabi ni Ang na handa siyang bumili ng lupa para sa relocation sites at magtayo ng bagong mga eskwelahan at pabahay para sa mga residente na ililipat mula sa mga lugar na nasa ibabaw ng ilog o daluyan ng tubig.
“Kahit ‘yung eskwela, gusto mo, bibili na ako ng lupa; kapalit noon, magtatayo ako ng kapalit na eskwela. At ‘yung housing, bibili na rin ako ng lupa para tayuan ng pabahay ang mga tao doon,” dagdag niya.
Ang anunsyo ay kasunod ng mga batikos na idinidikit sa ilang proyekto ng SMC, gaya ng MRT-7 at Skyway, na diumano’y sanhi ng pagbaha sa ilang lugar. Mariing itinanggi ito ni Ang, at iginiit na sa katunayan, pinalitan at inayos pa nila ang mga drainage system sa mga apektadong lugar.
Ang inisyatibo ni Ramon Ang ay malinaw na halimbawa na ang pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor ay susi sa malalaking solusyon para sa bayan. Sa kanyang pangako na ayusin ang problema sa baha nang libre, nagbibigay siya ng pag-asa na maaaring maisakatuparan ang matagal nang minimithing pagbabago sa Metro Manila. Kung maisasagawa ito, hindi lamang baha ang mawawala kundi mas lalaki rin ang tiwala ng taumbayan sa mga lider na may malasakit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento