Naghatid ng pag-asa at tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay 105, Tondo, Maynila noong Agosto 6.
"Sa bawat sakuna, hindi namin hahayaang mag-isa ang ating mga kababayan. Patuloy kaming maghahatid ng tulong para sila ay muling makabangon." -Secretary Rex Gatchalian
Sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, mabilis na isinagawa ang distribusyon ng tulong pinansyal para sa muling pagsisimula ng mga nasunugan. Noong Sabado, Agosto 9, sa Vicente Lim Elementary School, tinanggap ng 900 pamilya ang ayuda sa ilalim ng Emergency Cash Transfer program ng ahensya.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng ₱15,109 na maaaring gamitin para sa kanilang pangangailangan at sa unti-unting pagbangon mula sa trahedya. Ang mabilis na aksyon na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin na walang maiiwan at lahat ng biktima ng sakuna ay agad matutulungan.
Ayon kay Secretary Gatchalian, patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na lahat ng naapektuhan ay mabibigyan ng tulong at gabay para makabangon muli.
Sa gitna ng trahedya, ipinakita ng DSWD ang mabilis na pagtugon at malasakit sa kapwa. Ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasunugan sa Tondo ay patunay na may gobyernong handang sumuporta at maghatid ng pag-asa sa oras ng pangangailangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento