Mariing tinutulan ni Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list ang panukala ni Senador Robin Padilla na pababain sa 10 taong gulang ang edad ng criminal liability. Ayon sa kanya, ito ay hindi lamang kawalan ng malasakit kundi kabiguan ng pamahalaan na unawain ang ugat ng krimen sa kabataan.
“Hindi kriminal ang bata. Ang batang naligaw ay hindi dapat kinukulong kundi kinakausap, inaaruga, at binibigyan ng pag-asa,” giit ni De Lima.
Iminungkahi ni Padilla ang pagbago sa Juvenile Justice and Welfare Act upang mapanagot na sa batas ang mga kabataang may edad 10 pataas, kasunod ng umano’y pagtaas ng insidente ng krimen na kinasasangkutan ng kabataan.
Ngunit para kay De Lima, hindi ito ang sagot. Ayon sa kanya, ang panukala ay hindi batay sa siyensya o karanasan ng mga eksperto gaya ng child rights advocates, psychologists, social workers, at neuroscientists.
“We do not fix a broken justice system by putting its weight on the smallest, weakest shoulders,” aniya.
Ayon kay De Lima, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mas epektibong pagpapatupad ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act. Itinanong niya kung sapat ba ang mga Bahay Pag-asa sa bawat LGU, at kung may sapat na bilang ng social workers, psychologists, at trained personnel upang magbigay ng tunay na rehabilitasyon sa kabataang naliligaw ng landas.
“Kung ang sagot natin sa batang nadapa ay kulungan, hindi ang bata ang dapat husgahan kundi ang sistemang bigong umagapay,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng dating DOJ Secretary ang kanyang karanasan sa sistema ng kulungan sa bansa. Nakita umano niya ang pinsalang dulot ng kulungan sa bata kumpara sa epekto ng edukasyon at maayos na pangangalaga.
“Let us stop treating children as threats. They are mirrors. If we don’t like what we see, it is not the mirror we must shatter. It is the reflection of our failures.”
Hinimok ni De Lima ang mga kapwa mambabatas na tutulan ang panukala ni Padilla at manindigan para sa mga batang dapat bigyan ng ikalawang pagkakataon. Ito raw ay hindi lamang usapin ng batas, kundi ng ating pagkatao bilang bansa.
“This is not a question of being ‘soft’ or ‘tough’ on crime. This is a question of who we are as a people. Are we the kind of nation that throws away a child before we even try to understand their pain?”
Sa usaping kinasasangkutan ng kabataan at krimen, dapat nating tandaan: ang bata ay produkto ng kapaligiran. Ang kulungan ay hindi lunas kundi dagok na maaaring tuluyang makasira sa hinaharap nila.
Ang panawagan ni Rep. Leila De Lima ay paalala sa atin na ang tunay na lakas ng bayan ay nasa kung paano ito nagtutuwid, hindi nagpaparusa. Kailangan ng kabataan ang direksyon, hindi disiplina sa anyo ng rehas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento